.comment-link {margin-left:.6em;}

JP's world

My intimate thoughts. My heart's deepest desires. My darkest secrets. My closet poetry. My biggest fears. My secret life. Welcome to my world.

Friday, November 28

Maligayang Bati Ting!

NOTE:Isang pagbibigay pugay sa isa sa mga pinakaimportanteng tao sa buhay ko.

(Naks! Isang round naman diyan! Pa-dinner ka naman!)

Si Kathy Zabala Guanzon, nakilala ko siya sa likod ng SM carpark aka Quezon City Science High School noong 2nd year high school kami. Magkaiba pa kami ng set of friends noon. Naging close ko lang talaga siya noong naging magka-group kami sa isang malaking project (parang celebrity ang dating natin…hahaha:)) sa subject namin na Research. Hindi namin inakala na kaya naming gumawa ng “artificial wood” mula sa plastic bags at sawdust. Ito ang produktong muntik nang tumalo sa ecowood ni Ernie Baron. Isipin niyo, mga batang walang kamuwang-muwang lang pala ang tatapat sa kanya! Umani ang proyektong ito ng maraming tagumpay dito sa Pilipinas, maging sa ibang bansa. Kaya’t mula sa hirap ng pagpupuyat para matapos lang ito, hanggang sa kaligayahang dulot ng tagumpay, ay nakasama ko siya. Doon nagsimula ang isang pagkakaibigang hindi ko inakalang aabot ng kung ilang taon at magiging ganito kalalim.

Hindi ko na mabilang kung ilang sleepovers, gimik, inuman, eat-outs, at kung anu-ano pang lakwatsa, kami nagkasama. Birthday ng kung sinu-sino, dalaw sa kisay noong bagong graduate pa lang kami. Minsan naman, wala lang, magkikita lang kami para sumaya at mag-alis ng tensyon. Marahil dahil sa lagi naming pagkikita ng barkada kaya naging halos magkakapatid na ang turing namin sa isa’t-isa. Masaya lang kami kapag magkakasama kami. Kahit na napupunta sa seryoso paminsan-minsan, kaya naming pababawin ang kahit anong bagay. May mga jokes kami na kami lang ang natatawa at nakakaintindi. May mga karakter na kami lang ang nakakakilala.

Alam ko na maraming gumugulo sa isip niya ngayon. Quarter life crisis, ang sabi niya. Lahat naman yata nang tao sa henerasyon natin ay dumadaan diyan sa ngayon. Huwag kang mag-alala, dadating din ang mga nararapat sa buhay mo. Nalilito ka man sa ngayon, alam kong maaayos mo rin lahat iyan. Natuwa ako nung sinabi niya kanina, na ang tanging aspeto lang ng buhay niya na sigurado siyang ayaw niyang mabago ay ang mga kaibigan niya. Ganon din kami Ting. Alam ko na sa puntong ito, wala nang pwedeng sumira sa pagkakaibigan ng Biocares. Magkaroon man tayo ng ibang priorities sa buhay, alam ko, magkakaibigan pa rin tayo. Habambuhay na talaga ito, tulad ng sinusumpaan ng mga ikinakasal, sa hirap at ginhawa.

Ting, dalangin ko na balang araw ay mahanap mo ang iyong sarili, at mahanap mo ang tunay na kaligayahan.

Pero para sa iyong kaarawan ngayon, sumayaw muna tayo sa saliw ng...

“Happy… I’m feeling so happy… I’m gonna be happy…Can’t you see I’m happy now”

Maligayang Bati Ting! Itaas mo!