Sa halos isang taon kong pamamalagi sa organisasyong ito, hindi ko na mabilang ang dami ng lugar na aking napuntahan at dami ng tao na aking nakilala. Lahat ng mga ito ay itinuturing kong bahagi ng aking paglago bilang isang indibidwal. Mas maraming bagay na matutunan sa labas ng apat na dingding ng opisina. Noon pa man ay hindi ko nakita ang sarili ko na pumapasok sa isang opisina araw-araw, nakaupo maghapon at paulit-ulit ang ginagawa. Ganunpaman, may mga panahon na napapagod din ako sa mga biyahe at iniisip ko kung bakit ko pinili ang ganitong trabaho.
Masaya ako sa ginagawa ko. May kakaibang kaligayahang hatid ang pagseserbisyo sa kapwa. Higit pa sa hanapbuhay ang lugar ng aking trabaho sa aking buhay. Kahit na sumusweldo rin ako tulad ng ibang empleyado, alam kong bukod sa pagkita ng pera, may iba pa akong layunin kaya ko ginagawa ito. Malinaw sa akin ang mga ipinaglalaban ng organisasyong aking kinabibilangan at alam kong sa maliit kong paraan ay nakakatulong ako sa lipunan.
Naaalala ko noong nagsisimula pa lang ako. Hindi ko pa lubos na nararamdaman sa puso ko ang serbisyo. Bagaman natuwa ako dahil nakahanap ako ng gawain kung saan magagamit ko ang aking propesyon habang nagsisilbi sa kapwa, bahagi pa rin ng motibo ko sa pagpasok sa opisinang ito ay pansarili lamang. Ngunit nang tumagal ay nakita ko kung gaano kahalaga ang aking ginagawa at iilan lang sa aking propesyon ang papayag na gawin ito.
Kaya sa kabila ng lahat, ito pa rin ang pinili ko.
Bakit? Simple lang. Maligaya ako.
Kahit na taliwas ito sa normal na daan na tinatahak ng aking mga ka-propesyon. Kahit na maraming bagay na hinihingi ang aking trabaho na hindi ko dating ginagawa. Kahit na kung minsan ay gusto kong languyin ang dagat para lang makauwi at makita ang mga mahal ko sa buhay.
Tuwing umaalis kasi ako, nalulungkot ako dahil iniiwan ko ang pamilya at mga kaibigan ko. Ngunit sa bawat lugar na pinupuntahan ko, nadadagdagan ang aking mga kaibigan at may mga taong itinuturing ko nang pamilya. Pero alam ko na anuman ang mangyari, uuwi at uuwi rin ako. Alam kong babalik at babalik ako sa totoo kong mundo.
Kung minsan iniisip ko, ano kaya kung iba ang pinili ko? Ngunit sa tuwing titingin ako sa mga mata ng mga taong tinutulungan ko, naiisip ko na walang ibang gagawa nito kundi ako. Dito nga siguro ang lugar ko sa mundo. Isa pa, hindi ko lang naman ito ginagawa para sa kanila, ginagawa ko ito para sa kaluwalhatian ng Panginoon. Tinawag niya ako at pinili para sa gawaing ito.
At sa ngayon ay tanggap ko na, ito ang misyon ko sa buhay, ang tumulong sa mga katutubong Pilipino para makamit nila ang kanilang karapatan sa mga lupa nila.